Friday, July 22, 2011

KAKAMPI MO ANG BATAS.FILIPINO SYNDICATED COLUMN. 22 JULY 2011

KAKAMPI MO ANG BATAS.FILIPINO SYNDICATED COLUMN. 22 JULY 2011

Mali ba ang people power?

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Pinili ko ang daan ng katapatan; itinalaga ko ang aking puso sa iyong mga batas…” (Awit 119:30, Bibliya).

-ooo-

PAGPATAY SA PEOPLE POWER PROVISION NG KONSTITUSYON? Marahil ay di alam ni Justice Secretary Leila De Lima, pero ang kanyang opinyon sa panukala ni Marine Col. Generoso Mariano na dapat patalsikin ang mga gobyernong hindi nakakatugon sa pangangailangan ng bayan ay baka pumatay sa people power provision ng Saligang Batas ng 1987, at maaaring magdulot ng problemang legal sa mga gobyernong Cory Aquino at Gloria Arroyo, na naitatag dahil sa pagkilos ng bayan.

Sa totoo lang, ang kasalukuyang Konstitusyon, na ginawa noong panahon ng Pangulong Cory Aquino (ang ina ng Pangulong Benigno Aquino III), ay kumikilala sa karapatan ng “bayan at ng kanilang mga samahan tungo sa epektibo at resonableng partisipasyon sa lahat ng antas ng pagdedesisyong sosyal, political at pang-ekonomiya”, sa kanyang people power provision (Section 16, Art. 13).

-ooo-

MALI BA ANG PEOPLE POWER? Ang probisyong ito ay isiningit sa Saligang Batas upang maging batayang legal ng pagpapatalsik sa gobyerno ni Pangulong Marcos at ang pagluluklok sa gobyerno ni Pangulong Cory Aquino. Maliwanag, batay sa probisyong ito, na ang mga reglamento sa Kodigo Penal ukol sa mga krimen laban sa gobyerno, gaya ng rebelyon, sedisyon at insurreksiyon, ay nawala na, at ang paglaban sa gobyerno ay naging legal.

Ngayon, kung sinasabi ni De Lima na ang mga panukala sa pagpapatalsik ng gobyernong hindi na sinusuportahan ng mamamayan, gaya ng ginawa ni Mariano, ay ilegal dahil maaari itong ituring na rebelyon o sedisyon, ibig bang sabihin eh mali ang people power, at ang mga gobyernong Cory Aquino at Gloria Arroyo ay ilegal din?

-ooo-

GSIS POLICY LABAG SA BATAS: Hindi ko makita ang buti ng alituntunin ng Government Service Insurance System (GSIS) na nagbabawal sa kanyang 25,454 na mga miyembro sa pagkuha ng loans at mga dibidendo dahil lamang sa ang kanilang sariling mga opisina kung saan sila nagtatrabaho ay hindi nakapag-remit ng kanilang mga GSIS contributions---na nakolekta na mula sa kanila.

Ang alituntuning ito ay isang uri ng katiwalian o graft and corruption ng kasalukuyang mga lider ng GSIS, sapagkat nagbibigay ito ng hindi makatwirang pinsala sa mga GSIS members---sa mga hindi nila makuhang loans at mga dibidendo---dahil sa opisyal na pagkilos ng mga GSIS officials.

Ang dapat ginawa dito ay pinabayaan na lamang sana ng GSIS ang mga miyembro nito na makakuha ng loans at makatanggap ng kanilang mga dibidendo---sapagkat ang mga ito ay matagal ng naiutang ng mga miyembro kahit ini-a-apply pa lamang nila ito---at, pagkatapos, ay usigin na lamang ng puspusan ang mga hindi nag-remit ng kanilang mga contributions.

-ooo-

MGA KATOTOHANAN MULA SA BIBLIYA SA PAGLABAN SA MGA LIDER: Naririto ang isang interesanteng katotohanan mula sa Bibliya ukol sa pagpapasakop natin sa ating mga lider at pinuno, at kautusang hindi tayo dapat lumalaban sa kanila: “Dapat magpasakop ang lahat sa mga namamahala, sapagkat walang pamamahalang hindi ang Diyos ang nagtatag.

“Ang mga namamahalang umiiral ay itinatag ng Diyos. Dahil diyan, sinuman ang lumalaban sa mga namamahala ay lumalaban sa mga itinatag ng Diyos, at magkakaroon sila ng kaparusahan…”

-30-

No comments:

Post a Comment